Loading...

Mga Larawang Nasa Magkakasunod Na Kuwadro At Mga Usapang Nasa Loob Ng Tila Lobo

Head teacher sa elementary school sa aming baryo sa Batangas City ang aking isang tiyuhin. Natatandaan ko noong high school ako, dekada 80, isang weekend na nagkukuwentuhan ang aming angkan na sinabi umano sa kanya ng isang superintendent ng school district na may kakaibang skills ang mga pupils sa aming elementary school.

Magagaling daw bumasa. Lalo na sa Tagalog (Filipino). Bagaman at hindi lahat ay mahuhusay sa ibang asignatura halimbawa ay sa Math o Science na may sadya lang lumilitaw na outstanding, pagdating sa pagbabasa ay masasabing halos ang general population ng aming elementary school ay nasa above average ang reading skills.

Ini-attribute ng aking tiyuhin ang achievement na ito ng aming elementary school sa iisang factor—ang aming komunidad ay mahilig magbasa ng komiks.

Noong panahong iyon ay walang ibang libangan sa aming baryo maliban sa komiks at radyo na de-baterya. Ang elektrisidad ay dumating lang noong dekada 90 at nasa kolehiyo na ako.

Natatandaan ko noon, kapag namamalengke kami ng aking ina tuwing weekend, karamihan sa mga nakakasabay namin sa jeep ay may nakarolyong biniling komiks o Liwayway sa basket.

At kapag nangapitbahay ka, nakakalat sa salas ng mga bahay ang mga komiks at iba pang babasahin. Maging sa mga tindahan ay ginagawang panghatak para sa mga mamimili ang ilang piraso ng komiks na nasa lamesa sa labas ng pondahan, gayundin sa mga pagupitan at iba pang lugar-tambayan. Kapag umiigib kami sa poso at mahaba ang pila, ang pampalipas-inip ng iba ay pagbabasa ng komiks.

Kung paano tayo laging nakatutok ngayon sa ating smartphones, ganoon din ang pakikipag-ulayaw ng mga kababaryo ko sa bawat kuwento o nobelang kanilang sinusubaybayan.

Kabilang kami sa pamilyang mahilig sa komiks. May tiyahin ako sa kabayanan na may malaking tindahan ng komiks at nagpapaarkila rin. Ang mga luma na ay dinadala niya sa amin makalipas ang ilang buwan.

Grade one pa lang ako ay nahirati na akong nagbabasa ng komiks. Naging laro rin naming magpipinsan ang pahulaan kung sino ang artist ng kuwento o nobela sa pamamagitan ng pagpapakita lang ng isang pahina. Isa rin siguro iyon sa dahilan kung bakit naging madali sa akin ang pagpasok sa komiks—ang pagiging pamilyar sa platform bagaman at hindi ang pagkokomiks ang pangarap kong career.

Nakapanghihinayang na nawala ang interes ng maraming Pinoy sa komiks sa paglaganap ng iba pang pagkakalibangan. Pero ganoon talaga. Sabi nga ni Bob Dylan, the times they are a changin’. Pero nabago man ang maraming bagay, nananatili sa henerasyon ng mga namulat sa komiks ang katotohanang bukod sa Abakada, komiks ang nagpalawak ng kanilang bokabularyo at nagpadulas ng kanilang dila sa pagbigkas ng mga salita, at nagpalikot sa kanilang mga imahinasyon sa pamamagitan ng mga larawang nasa magkakasunod na kuwadro at mga usapang nasa loob ng tila lobo.

logo-footer

All Content © Komiks Diner 2019-2025 | All Rights Reserved