Loading...

Nestor Malgapo: Ang Mga Karanasan Ng Itinuturing Na ‘Maestro’ Ng Philippine Komiks

Mahilig ka bang magbasa ng komiks noon?

Sa mga fans ng komiks noong masigla pa ang ating local comics industry, napaka-popular ng pangalan ng illustrator na si Nestor Malgapo, 77, na mas kilala sa simpleng pangalang Ka Nestor.

Napakarami niyang naiguhit na nobela ng mga sikat na komiks writers. Gaya na lang ng mga bigating sina Mars Ravelo, Pablo Gomez, Jim Fernandez, Carlo Caparas, Nerissa Cabral at maraming pang iba.


“Alam mo, wala lang opisyal na record, pero ako ang may pinakamaraming naidrowing na nobela sa komiks na naisapelikula,” panimulang kuwento ni Ka Nestor nang makausap ng writer na ito.

Si Ka Nestor ay 21 years old nang nagsimulang magdrowing sa komiks noong 1964, at tumigil lang nang tuluyang magsara ang mga comics publications noong 2013.


Nagmarka sa mga aspiring illustrators noon ang kanyang mga karakter sa bawat nobelang iginuhit. Kaya hindi nakapagtatakang marami ang kumopya ng kanyang estilo.

Makikita sa mga nagsimulang magdrowing sa komiks noong dekada ‘80 at ‘90 ang impluwensiya ng kanyang sining.


CORRESPONDENCE SCHOOL FOR COMICS ILLUSTRATION

Taong 1988 ay inilunsad ni Ka Nestor ang kanyang passion project—ang Dynamic Concept Illustrated.

Tinatawag din itong Dynacoil Home Study Art School. O simpleng Dynacoil.

Isa itong school para sa comics illustration na ang paraan ng pagtuturo ay sa pamamagitan ng correspondence.

Ang program ay naka-break down sa 10 libro na may iba’t ibang topic tungkol sa comics illustration.

Dapat makumpleto at maipasa ng estudyante ang pagsusulit sa lahat ng libro bago ito mabigyan ng certification.


“Alam mo, matagal na sa isip ko ang project na iyan, di ko lang agad naumpisahan sa dami ng deadline ko,” pagbabalik-tanaw niya.

“Inihanda ko iyan 1987, at noong 1988, nasimulan ko na.

“Inuna ko muna iyung Book 1. Pero naging problema ko ang advertisement kasi mahal [gawin ang libro].”

Dahil marami siyang hawak na nobela noon sa Atlas Publishing Inc., nakipag-deal daw siya sa management.

“Sabi ko sa editor-in-chief, ‘Sir, baka puwedeng mai-advertise ang Dynacoil sa ating mga komiks. At kung may maging estudyante akong mahusay magdrowing, irerekomenda ko sa inyo. Give and take po tayo.’”

Pumayag naman daw ang management, at nabigyan siya ng kalahating pahinang advertisement sa mga komiks na malalaki ang sirkulasyon.

Kaya ang announcement tungkol sa Dynacoil ay nakarating kahit sa pinakamalalayong lugar sa Pilipinas.


ADVOCACY ANG SCHOOL, HINDI NEGOSYO

Hindi raw naiisip noon ni Ka Nestor na gawing negosyo ang kanyang project. “Alam mo, hindi naman ako negosyante. Hindi ko naisip na gawing negosyo ito at isinisingit ko lang sa trabaho. Iyung business side, wala sa isip ko. Gusto ko lang talaga, dumami ang matutong magdrowing sa komiks.”

Marami raw agad ang nag-inquire nang lumabas na ang ad ng Dynacoil.

“Mahigit 200 ang unang sulat na dumating sa akin,” pagbabahagi niya. “Noon ay koreo pa tayo.”

May sadya pala siyang target market noon.

“Naka-indicate sa ad na mga kabataan ang gusto kong turuan. Iyung edad high school ang nasa isip ko.

“Alam mo, ang gustung-gusto ko talagang maturuan, e, iyung mga out-of-school youth. Kasi, hindi sila nakakapag-aral dahil walang pangmatrikula lalo pag high school na.

“Iyung mga nag-aaral, naisip ko, wala namang time sa ganito. Kaya iyung mga out-of- school youth, malamang ‘kako, e, maraming oras dahil hindi naman nag-eeskuwela. Parang ito na iyung magiging pinaka-school nila, lalo na iyung mahihilig magdrowing.

“Pero iyun nga, marami pa rin sa sumagot agad sa ad ay mga estudyante na kasalukuyang nag-aaral, kasi sila ang may pera.”


BREAK-EVEN LANG SA PRINTING COST NG MGA LIBRO

Ang tuition fee noon sa Dynacoil para makumpleto ang buong kurso noon ay P1,300, kasama na ang para sa koreo.

“Bale P120 ang isang book na paisa-isa nilang babayaran. Bawi lang halos ako sa printing cost.

“Alam mo, naisip ko, malaking halaga pa rin iyan noong panahon na iyon para sa mga kabataan lalo kung walang pagkukunan.

“Kabado rin ako na baka konti lang ang mag-enroll. Mataas pa kasi ang halaga ng pera natin noon."


ANG MALUNGKOT NA REYALIDAD

Sa patuloy na pagdating ng mga sulat mula sa mga interesadong magdrowing sa komiks, isang malungkot na reyalidad ang natuklasan ni Ka Nestor.

“Alam mo, nang lumaon, ang dami kong sulat na natanggap galing sa mga kabataang walang-walang pera.

“Nagkukuwento sila ng lagay nila sa buhay. Mahirap ang pamilya. Walang trabaho ang mga magulang. Mga ganoon...

“Halimbawa, ha, iyung tatay raw niya anluwage [karpintero] lang.

“Meron namang nanay na lang ang kasama, nag-aalaga lang ng biik para sila mabuhay na magkakapatid.

“May nakatira pa raw malapit sa bundok, sa gilid, nagtatanim lang daw sila ng kamote at gulay.

“Naalala ko, meron pang putol ang dalawang paa na sumulat sa akin. Gustung-gusto raw niyang matutong magdrowing dahil hindi naman siya nakakalabas ng bahay.

“Sa madaling sabi, ano... sa bandang dulo ng sulat, matapos magkuwento, magsasabi na iyan, ‘Sir, baka po puwede ang libre. Wala po talaga akong pangmatrikula...’

Nabagbag naman daw ang kanyang kalooban.

“Bandang huli, pinalibre ko na lang. May mga hindi ko na pinagbayad ng matrikula. Kawawa naman din. Maiisip mo ang kalagayan nila.

“At buti, naalala ko, may taga-Cotabato noon, personal akong pinuntahan sa publishing. Wala ring pera.

“Para lang makabiyahe, nakiusap raw siya sa kapitan ng barko na hahanapin ako. Ipinakita iyung komiks na may ad ng Dynacoil. Naawa yata iyung kapitan, buti pinayagan naman. Pinakain ko at pinatulog sa bahay.”


MAHIGPIT ANG SCREENING NG DYNACOIL

Kahit malambot ang puso ni Ka Nestor, maihahalintulad naman siya sa isang istriktong military drill officer pagdating sa pagtuturo.

“Hindi lahat ay tinatanggap ko sa Dynacoil, ha?” paglilinaw niya. “May aptitude test muna akong kinonsepto para malaman ko kung pupuwede ko silang maging estudyante.”

Bago raw maging official student ng Dynacoil ay may entrance exam din ang mga gustong mag-enroll.

“Nagpapadala muna ako sa kanila ng walong pahinang aptitude test. Doon ko malalaman kung kaya nila ang kabuuan ng kurso at kung may potential na matutong magdrowing. Pag ang score nila ay 75 percent pataas, tanggap sila.”

Sa unang batch ng mga sumulat ay 100 lang daw ang napili niya batay sa resulta ng aptitude test.

Hindi naman agad makapupunta ang estudyante sa next level, o sa sunod na libro, hangga’t hindi nito natatapos at naipapasa ang mga naunang lesson.

“Halimbawa, e, Book 1. Pag natapos nilang basahin at gawin ang exercises, may exam pa iyon sa dulo. Actual drawing nila. Ipapadala nila sa akin.

“Titingnan ko iyon. Sa mismong drowing nila ako maglalagay ng koreksyon at komento, saka ko ibabalik sa kanila.

“Sasabihin ko rin kung kailangan nilang ulitin ang libro at mag-exam uli, o kung puwede na sila sa next book.”

Nasabi ng writer na ito kay Ka Nestor na mahirap pala ang ginagawa niya noon dahil marami siyang sariling deadlines.

“Alam mo, biro ko nga sa sarili ko noon ay napasubo yata ako rito, ah!” aniya at tumawa nang masigla. “Pero hindi... Enjoy ako. Nakakatuwang makita iyung progress ng mga bata.”

Dahil sa kanyang higpit, sa unang batch na binubuo ng 100 estudyante ay nasa 20 lang daw ang nakakumpleto ng kurso.


KUMUSTA NA ANG MGA PRODUKTO NG DYNACOIL?

Sinikap ng writer na ito na mahanap ang ilang naging produkto ni Ka Nestor at ng Dynacoil.

Nagtanung-tanong ako sa Facebook pages tungkol sa Philippine comics.

Ilan sa kanila ang sumagot. Nag-share sila ng naging experience sa kanilang maestro—na labis nilang pinasasalamatan.

May nakapag-save pa ng kanilang ID at diploma.


CORINA HIZON 

“Isa ako sa mga naunang nakapag-aral sa home study ni Sir Nestor,” ani Corina, 57, na taga-Meycauayan, Bulacan.

“Malaking-malaki ang naitulong nito sa akin o sa aming buhay. Dahil dito ay na-develop ang drawing skills ko.

“Matiyaga kaming nagpapalitan ng materials thru mail, hanggang sa makapagtapos ako at nakapagdrowing na sa komiks.

“At makalipas ang anim na taon, ako ay lumipat naman sa pagdidibuho sa mga aklat para sa mga paaralan. At lahat nang ito ay nagsimula sa pag-aaral ko kay Sir Nestor.


NOEL MARQUEZ RAMIREZ

“Masaya po, although by mail lang iyung palitan ng mga aaralin, tumatak sa isipan ko iyung mga dapat gawin ng isang nag-uumpisa sa paggawa ng komiks,” lahad ni Noel Marquez Ramirez, 51, na tubong Tayug, Pangasinan.

“Akala ko dati iyung ginagawa kong komiks okey na, marami rin palang dapat matutunan pa.

“Salamat kay Mang Nestor at sa Dynacoil dahil nag-improve iyung skills ko, dami kong natutunan talaga.

“Hanggang ngayon, iyung mga libro ko ng Dynacoil, nagagamit ng anak ako.

Tumatanggap siya ngayon ng commissioned artworks.


FER LORICA

Kuwento naman ni Fer, 55, ng San Pablo City, “Hindi ko naipasa ang final exam sa Dynacoil kasi walang matibay na character iyung drowing ko. Gayunpaman, nag-try pa rin ako sa komiks.”

Nag-assist daw muna siya sa isang beteranong artist para lalo pang mahasa.

“Hanggang sa nakakuha na ako ng short stories sa Atlas. Nabigyan din ako ng series, na isang beses lang lumabas dahil nagsara na ang publication.”

Sa ngayon ay may sariling computer shop si Fer.


ALQUIN PULIDO

Naging nobelista at cartoonist naman si Alquin, 55, na taga-Batangas City.

“May natutunan din ako kahit paano na nai-apply ko sa cartooning.”


RODEL NOORA

Isa sa pinaka-successful na produkto ng Dynacoil ay si Rodel, 54, ng Camarines Sur.

Nabigyan agad siya ng break sa local comics at nagkaroon ng maraming nobela. Sa kasalukuyan ay marami siyang comics projects abroad.

“Hindi ko rin natapos ang Dynacoil, pero sinuwerte [sa career]. Utang namin lahat ito kay Ka Nestor.”


TRAHEDYA KAY KA NESTOR

Tumagal nang ilang taon ang Dynacoil. Kalagitnaan ng dekada ‘90 ay naging sobrang abala si Ka Nestor dahil, bukod sa deadline sa komiks, nagtrabaho rin siya sa animation.

“Meron pa ring estudyante pero limitado na,” kuwento niya. “Alam mo, medyo umeedad na rin ako at may mga nararamdaman sa katawan.

“Ang ginawa ko nang magtagal, binuo ko na lang sa isa iyung sampung libro. Pag may nagtanong, sinasabi ko, ‘Pasensiya na, masasakitin na ang Ka Nestor mo, hindi ko na magawa ‘yung dati na nahihimay ko ang progreso ng estudyante.

“Itong mga libro, compiled na, pero self-study na lang.”

Noong 2014 ay sumailalim sa bypass operation si Ka Nestor.

Taong 2016 ay muli siyang sinubok ng pagkakataon. Nasunog ang kanyang bahay.

Kasamang natupok ang kanyang mga original drawings at ang materials ng Dynacoil.


Malungkot niyang kuwento, “Alam mo, maingat ako sa gamit. Naingatan ko ang listahan ng mga estudyante ko, mga exam nila, mga sulat nila, lahat...

“Pero natupok lahat, wala akong naisalba sa mga files ko ng komiks, drowing ko, pati iyung sa Dynacoil.”


MASAYA SIYA PARA SA MGA NAGING ESTUDYANTE

Sa ngayon ay naninirahan si Ka Nestor sa Gapan, Nueva Ecija. Libangan niya bukod sa mag-painting ang pagtatanim ng gulay at sumilip sa social media, lalo na sa FB pages tungkol sa local comics.

“Nagugulat ako pag biglang may nag-message na naging estudyante ko siya. Nang ma-stroke kasi ako, medyo nabawasan ang aking memorya.

“Pero pag may nagpaalala, nababalikan ko, naaalala ko uli ang pangalan.”

Natutuwa raw siya na marami sa mga ito ang naging matagumpay sa buhay kahit sa ibang field napadpad.

“May naging architect, doktor, seaman... Masaya ako na naaalala pa rin nila ang naging experience nila sa Dynacoil kahit hindi ko sila nakita noon nang personal.”

Paminsan-minsan ay dinadalaw rin siya ng mga nakatrabaho sa publication, at masaya nilang binabalikan sa alaala ang glory days ng komiks.


RELEVANT PA RIN ANG LIBRO NI KA NESTOR

Ang nakatutuwa, kahit maraming free online tutorials tungkol sa comics illustration sa Internet ay marami pa ring nag-o-order kay Ka Nestor ng compiled version ng Dynacoil books.

Aniya, “Xerox copy na lang na ipinapa-book bind ko. Alam mo, wala ako halos naisalba sa sunog. Buti nga may natira pa ako na parang pinaka-master copy.

“Pag may bumibili, sinasabi ko na lang na sagutin na rin nila ‘yung sa courier. Iniuutos ko pa kasi ang pagpapadala niyan dahil senior citizen na ako.”

Nang itanong ng writer na ito kung bakit nananatiling relevant ang kanyang libro, ang modest na sagot ni Ka Nestor ay, “Siguro dahil Tagalog, madaling maunawaan."

Sabi rin niya, “Maidagdag ko nga pala, ano, kung mababasa mo, halimbawa natapos mo ang Book 1, may payo ako sa dulo.

“Pinapayuhan ko ang estudyante gaya kung ano ang dapat niyang maging attitude pag nagdrowing na siya.

“Be professional. Mahalin ang trabaho. Maging magalang sa kasamahan sa trabaho, lalo na sa mga editor.

“Iyung trabaho mo, obligasyon mo iyan. Tapusin mo, dapat panindigan mo.

“Saka huwag mapapagod matuto. Kahit mahirap, sikaping pag-aralan.

“Iyun [payo] lang naman siguro [ang kaibahan]...”

Nang masunugan noong 2016 ay bumaha ang tulong kay Ka Nestor mula sa mga nakasama niya sa komiks at ng mga naging estudyante.

Isa iyung pagbabalik ng utang na loob sa napakapropesyunal na katrabaho—at napakabait na maestro.

Hindi na mabilang ang mga kuwento at nobelang naidibuho ni Ka Nestor, pero ang naging pagguhit niya sa kapalaran ng kanyang mga estudyante ang maituturing na kanyang masterpiece.

logo-footer

All Content © Komiks Diner 2019-2025 | All Rights Reserved